Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI
Ang
larawan sa pabalat ang mismong disenyo ng unang edisyon ng MACARIO
SAKAY, BAYANI na nalathala noong Setyembre 2007, sa sentenaryo ng
pagbitay kina Macario Sakay at kasamahang si Lucio De Vega. Dinisenyo
mismo ito ng namayapang si G. Ed Aurelio C. Reyes, ang pasimuno ng
KAMALAYSAYAN o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan. Pinanatili ang
disensyong ito bilang pag-alaala sa kanya, hindi lang bilang nagdisenyo,
kundi bilang guro ng kasaysayan at mabuting kaibigan.
Ang
ikalawang edisyon ng Macario Sakay, Bayani ay naglalaman ng mga bagong
saliksik, mga bagong tula at sanaysay, mga balita, at isang desisyon ng
Korte Suprema hinggil sa pagbitay kina Sakay at De Vega. Sa unang
edisyon ay nanawagan tayo sa aklat na magkaroon sana ng rebulto si
Macario Sakay at ipangalan ang isang mayor na kalsada bilang pagpupugay
sa kanya. Isang taon makalipas, noong Setyembre 2008, ay naisakatuparan
ang pangarap na iyon, naitayo at pinasinayaan ang rebulto ni Sakay sa
Plaza Morga, katabi ng Plaza Moriones sa Tondo, Maynila.
Maraming
salamat sa magasing Liwayway, lalo na sa serye nitong pagbabalik-tanaw
sa kasaysayan dahil doon ko nalaman ang petsa ng pagbitay kay Macario
Sakay, na siyang naging batayan ko upang pagsikapang magsaliksik at
magawa ang aklat na ito at mailunsad sa UP Manila noong 2007 sa tulong
ng Kamalaysayan.
Sa
pagkakataong ito, hinihikayat ko ang ating mga mambabatas na maisabatas
na maituro ang mga aral ng kabayanihan ni Macario Sakay sa paaralan, at
pangalanan ang isang mayor na lansangan bilang pagpupugay sa kanya,
halimbawa ang Taft Avenue sa Maynila na ipinangalan sa Amerikano ay
pangalanang Macario Sakay Avenue.
Ang
halimbawa ni Macario Sakay ay dapat pag-aralan at gawing inspirasyon ng
kasalukuyan at mga susunod na henerasyon para sa pagtataguyod ng
karapatan, makataong lipunan, kalayaan, at patuloy na paglaban sa
pang-aapi at kawalan ng katarungan sa ating bayan.
Mabuhay si Macario Sakay! Pagpupugay sa ating mga bayani!
GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 24, 2017, Sampaloc, Maynila
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento