Maraming
salamat sa lahat ng mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na Macario
Sakay, Bayani, kaninang umaga, Setyembre 13, 2017, kasabay ng ika-110
anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Macario Sakay. Mabuhay
kayo!
Miyerkules, Setyembre 13, 2017
Lunes, Setyembre 4, 2017
Si Pangulong Macario Sakay
SI PANGULONG MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Dapat nga bang kilalaning ikaapat na Pangulo ng ating bansa si Macario
Sakay? Kung susuriin ang mga pangyayari sa kasaysayan, dapat na igawad kay
Macario Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya bilang ikaapat na Pangulo ng
Republika ng Pilipinas.
Noong panahong iyon, panahon ng mga Kastila, ang tinatawag na Filipino
ay ang mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas, kaya para sa mga Katipunero, may
bahid ng kolonyalismo ang katawagang Filipino, kaya imbes na Pilipinas ang
ginamit nila bilang bansa, ay tinawag nila iyong Haring Bayang Katagalugan (sa
panahon ni Pangulong Andres Bonifacio) at Republika ng Katagalugan (sa panahon
ni Pangulong Macario Sakay).
Pinatutungkulan nila ang Katagalugan, hindi bilang rehiyon ng mga
Tagalog (o Timog Katagalugan), kundi ang lahat ng "tumubo sa sangkapuluang
ito" o sa buong bansa. Patunay dito ang nakasulat sa dokumento ng
Katipunan na "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang ito na: "Sa
salitang Tagalog katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid,
Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.
Maraming historyador ang kumikilala kay Gat Andres Bonifacio bilang
Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Noong Agosto 24, 1896, nang pinunit
nina Bonifacio ang sedula, na siyang tinatawag na "Pagsilang ng Bayan
(Birth of the Nation)" hanggang siya'y paslangin noong Mayo 10, 1897, si
Gat Andres Bonifacio ang pangulo ng Haring Bayang Katagalugan. Ang samahang
Katipunan ay naging pambansang pamahalaan.
Si Heneral Emilio Aguinaldo ang opisyal na kinikilalang unang pangulo
ng Republika ng Pilipinas, at kung si Bonifacio ay kikilalanin bilang opisyal
na Pangulo ng Pilipinas, si Aguinaldo ang ikalawa.
Pumalit na pangulo kay Aguinaldo si Heneral Miguel Malvar nang mahuli sa Palanan, Isabela si Aguinaldo. Naging
pangulo si Heneral Malvar mula Abril 1, 1901 hanggang siya'y sumuko sa mga
Amerikano noong Abril 16, 1902.
At ang ikaapat na pangulo ay si Heneral Macario Sakay, na naging
Pangulo ng Republika ng Katagalugan noong Mayo 6, 1902 hanggang Hulyo 14, 1906
(ang petsa ng pagbaba nina Sakay mula sa bundok at nakipagkita sa mga Amerikano
dahil sa pag-asang magkaroon ng Pambansang Asamblea.)
Matagal na panahong hindi kinilala ang tulad ni Sakay dahil sa
propaganda ng mga Amerikano na siya'y tulisan, at dahil na rin sa Bandolerismo
Act of 1902 (na sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan ay ituturing na bandido
ng mga Amerikano kaya dapat dakpin).
Darating ang panahong kikilalanin ding ikaapat na pangulo ng Republika
ng Pilipinas si Pangulong Macario Sakay. Subalit dapat natin itong pagsikapang
maisakatuparan. At ito ang isa sa ating mga tungkulin bilang tagapagtaguyod ng
kasaysayan ng bayan.
4 Setyembre 2017
Mga Pinaghalawan:
Bandoleros: Outlawed
Guerillas of the Philippine-American War 1903-1907, by Orlino A. Ochosa
Huwebes, Agosto 24, 2017
Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI
Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI
Ang
larawan sa pabalat ang mismong disenyo ng unang edisyon ng MACARIO
SAKAY, BAYANI na nalathala noong Setyembre 2007, sa sentenaryo ng
pagbitay kina Macario Sakay at kasamahang si Lucio De Vega. Dinisenyo
mismo ito ng namayapang si G. Ed Aurelio C. Reyes, ang pasimuno ng
KAMALAYSAYAN o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan. Pinanatili ang
disensyong ito bilang pag-alaala sa kanya, hindi lang bilang nagdisenyo,
kundi bilang guro ng kasaysayan at mabuting kaibigan.
Ang
ikalawang edisyon ng Macario Sakay, Bayani ay naglalaman ng mga bagong
saliksik, mga bagong tula at sanaysay, mga balita, at isang desisyon ng
Korte Suprema hinggil sa pagbitay kina Sakay at De Vega. Sa unang
edisyon ay nanawagan tayo sa aklat na magkaroon sana ng rebulto si
Macario Sakay at ipangalan ang isang mayor na kalsada bilang pagpupugay
sa kanya. Isang taon makalipas, noong Setyembre 2008, ay naisakatuparan
ang pangarap na iyon, naitayo at pinasinayaan ang rebulto ni Sakay sa
Plaza Morga, katabi ng Plaza Moriones sa Tondo, Maynila.
Maraming
salamat sa magasing Liwayway, lalo na sa serye nitong pagbabalik-tanaw
sa kasaysayan dahil doon ko nalaman ang petsa ng pagbitay kay Macario
Sakay, na siyang naging batayan ko upang pagsikapang magsaliksik at
magawa ang aklat na ito at mailunsad sa UP Manila noong 2007 sa tulong
ng Kamalaysayan.
Sa
pagkakataong ito, hinihikayat ko ang ating mga mambabatas na maisabatas
na maituro ang mga aral ng kabayanihan ni Macario Sakay sa paaralan, at
pangalanan ang isang mayor na lansangan bilang pagpupugay sa kanya,
halimbawa ang Taft Avenue sa Maynila na ipinangalan sa Amerikano ay
pangalanang Macario Sakay Avenue.
Ang
halimbawa ni Macario Sakay ay dapat pag-aralan at gawing inspirasyon ng
kasalukuyan at mga susunod na henerasyon para sa pagtataguyod ng
karapatan, makataong lipunan, kalayaan, at patuloy na paglaban sa
pang-aapi at kawalan ng katarungan sa ating bayan.
Mabuhay si Macario Sakay! Pagpupugay sa ating mga bayani!
GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 24, 2017, Sampaloc, Maynila
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)