Miyerkules, Setyembre 13, 2017

Salamat sa mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na Macario Sakay, Bayani

Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na Macario Sakay, Bayani, kaninang umaga, Setyembre 13, 2017, kasabay ng ika-110 anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Macario Sakay. Mabuhay kayo!





Lunes, Setyembre 4, 2017

Si Pangulong Macario Sakay



SI PANGULONG MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat nga bang kilalaning ikaapat na Pangulo ng ating bansa si Macario Sakay? Kung susuriin ang mga pangyayari sa kasaysayan, dapat na igawad kay Macario Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya bilang ikaapat na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Noong panahong iyon, panahon ng mga Kastila, ang tinatawag na Filipino ay ang mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas, kaya para sa mga Katipunero, may bahid ng kolonyalismo ang katawagang Filipino, kaya imbes na Pilipinas ang ginamit nila bilang bansa, ay tinawag nila iyong Haring Bayang Katagalugan (sa panahon ni Pangulong Andres Bonifacio) at Republika ng Katagalugan (sa panahon ni Pangulong Macario Sakay).

Pinatutungkulan nila ang Katagalugan, hindi bilang rehiyon ng mga Tagalog (o Timog Katagalugan), kundi ang lahat ng "tumubo sa sangkapuluang ito" o sa buong bansa. Patunay dito ang nakasulat sa dokumento ng Katipunan na "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang ito na: "Sa salitang Tagalog katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid, Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.

Maraming historyador ang kumikilala kay Gat Andres Bonifacio bilang Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Noong Agosto 24, 1896, nang pinunit nina Bonifacio ang sedula, na siyang tinatawag na "Pagsilang ng Bayan (Birth of the Nation)" hanggang siya'y paslangin noong Mayo 10, 1897, si Gat Andres Bonifacio ang pangulo ng Haring Bayang Katagalugan. Ang samahang Katipunan ay naging pambansang pamahalaan.

Si Heneral Emilio Aguinaldo ang opisyal na kinikilalang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas, at kung si Bonifacio ay kikilalanin bilang opisyal na Pangulo ng Pilipinas, si Aguinaldo ang ikalawa. 

Pumalit na pangulo kay Aguinaldo si Heneral Miguel Malvar nang mahuli sa Palanan, Isabela si Aguinaldo. Naging pangulo si Heneral Malvar mula Abril 1, 1901 hanggang siya'y sumuko sa mga Amerikano noong Abril 16, 1902.

At ang ikaapat na pangulo ay si Heneral Macario Sakay, na naging Pangulo ng Republika ng Katagalugan noong Mayo 6, 1902 hanggang Hulyo 14, 1906 (ang petsa ng pagbaba nina Sakay mula sa bundok at nakipagkita sa mga Amerikano dahil sa pag-asang magkaroon ng Pambansang Asamblea.)

Matagal na panahong hindi kinilala ang tulad ni Sakay dahil sa propaganda ng mga Amerikano na siya'y tulisan, at dahil na rin sa Bandolerismo Act of 1902 (na sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan ay ituturing na bandido ng mga Amerikano kaya dapat dakpin).

Darating ang panahong kikilalanin ding ikaapat na pangulo ng Republika ng Pilipinas si Pangulong Macario Sakay. Subalit dapat natin itong pagsikapang maisakatuparan. At ito ang isa sa ating mga tungkulin bilang tagapagtaguyod ng kasaysayan ng bayan.

4 Setyembre 2017

Mga Pinaghalawan:
Bandoleros: Outlawed Guerillas of the Philippine-American War 1903-1907, by Orlino A. Ochosa

Huwebes, Agosto 24, 2017

Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI

Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI

Ang larawan sa pabalat ang mismong disenyo ng unang edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI na nalathala noong Setyembre 2007, sa sentenaryo ng pagbitay kina Macario Sakay at kasamahang si Lucio De Vega. Dinisenyo mismo ito ng namayapang si G. Ed Aurelio C. Reyes, ang pasimuno ng KAMALAYSAYAN o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan. Pinanatili ang disensyong ito bilang pag-alaala sa kanya, hindi lang bilang nagdisenyo, kundi bilang guro ng kasaysayan at mabuting kaibigan.

Ang ikalawang edisyon ng Macario Sakay, Bayani ay naglalaman ng mga bagong saliksik, mga bagong tula at sanaysay, mga balita, at isang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagbitay kina Sakay at De Vega. Sa unang edisyon ay nanawagan tayo sa aklat na magkaroon sana ng rebulto si Macario Sakay at ipangalan ang isang mayor na kalsada bilang pagpupugay sa kanya. Isang taon makalipas, noong Setyembre 2008, ay naisakatuparan ang pangarap na iyon, naitayo at pinasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga, katabi ng Plaza Moriones sa Tondo, Maynila.

Maraming salamat sa magasing Liwayway, lalo na sa serye nitong pagbabalik-tanaw sa kasaysayan dahil doon ko nalaman ang petsa ng pagbitay kay Macario Sakay, na siyang naging batayan ko upang pagsikapang magsaliksik at magawa ang aklat na ito at mailunsad sa UP Manila noong 2007 sa tulong ng Kamalaysayan.

Sa pagkakataong ito, hinihikayat ko ang ating mga mambabatas na maisabatas na maituro ang mga aral ng kabayanihan ni Macario Sakay sa paaralan, at pangalanan ang isang mayor na lansangan bilang pagpupugay sa kanya, halimbawa ang Taft Avenue sa Maynila na ipinangalan sa Amerikano ay pangalanang Macario Sakay Avenue.

Ang halimbawa ni Macario Sakay ay dapat pag-aralan at gawing inspirasyon ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon para sa pagtataguyod ng karapatan, makataong lipunan,  kalayaan, at patuloy na paglaban sa pang-aapi at kawalan ng katarungan sa ating bayan. 

Mabuhay si Macario Sakay! Pagpupugay sa ating mga bayani! 

GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 24, 2017, Sampaloc, Maynila

Martes, Oktubre 27, 2015

Ang mahabang buhok ni Macario Sakay

ANG MAHABANG BUHOK NI MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong bata pa ako, hindi ko pa kilala kung sino si Macario Sakay, bagamat pamilyar na siya sa akin. Subalit natatandaan ko ang sabi ng aking ina noon. Magpagupit na raw ako dahil para na raw akong si Sakay sa haba ng buhok. Ibig sabihin, kilala ni Inay si Sakay. Marahil, iyon din ang narinig na sermon ng aking ina mula sa mga matatanda sa mga lalaking mahahaba ang buhok. O kaya'y nakapanood na siya ng pelikula ni Sakay noon. "Parang si Sakay" dahil mahaba ang buhok. 

Ngunit bakit nga ba mahaba ang buhok ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama? Barbero si Sakay kaya alam niya kung maganda o hindi ang gupit, ngunit bakit siya nagpahaba ng buhok at hindi nagpagupit?

Naalala ko tuloy ang isang awitin, na may ganitong liriko: "Anong paki mo sa long hair ko?"

Napanood ko rin noon ang ganitong eksena sa pelikula, kung saan sinabi ni Mayor Climaco (na ang gumanap ay si Eddie Garcia) na hindi siya magpapagupit hangga't hindi nakakamit ang kanyang pangarap o layunin (di ko na matandaan iyon) para sa bayan.

Ayon sa mga pananaliksik, panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, nang minsang nagpapagupit si Sakay kasama ang kanyang mga kasamahan malapit sa ilog, bigla silang sinugod ng mga sundalong Amerikano. Kaya sila ay nakipaglaban at naitaboy ang mga kaaway. Mula noon ay sinabi na ni Sakay at ng kanyang mga kasamahan na hindi sila magpapagupit hangga't hindi lumalaya ang bayan sa kamay ng mga mananakop.

Sa isang eksena sa pelikulang Macario Sakay ni Raymond Red, tinanong ng isang bata si Sakay kung bakit mahahaba ang kanilang buhok, na tinugunan ni Sakay, "Kung gaano kahaba ang aming buhok, ganoon din kami katagal sa bundok."

Hanggang sa huling sandali, nang binitay si Sakay ay hindi siya nagpagupit.

Pinagsanggunian:
Kasaysayan with Lourd De Veyra, TV5
Panayam kay Xiao Chua
Pelikulang "Macario Sakay" sa direksyon ni Raymond Red
Artikulong "Why did Sakay wear is long hair?" by Quennie Ann Palafox

Miyerkules, Setyembre 14, 2011

Isang Aklat at ang Rebulto ni Sakay: Ilang Personal na Tala

ISANG AKLAT AT ANG REBULTO NI SAKAY: ILANG PERSONAL NA TALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwang tinatalakay sa mga aklat-pangkasaysayan ang kadakilaan at kagitingan ng mga bayaning sina Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio, kung saan ang kanilang mga rebulto ang karaniwang makikita sa iba't ibang panig ng bansa.

Bihira ring matalakay ang rebolusyong Pilipino sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at ang mga bayani noon ay itinuring pang bandido ng mga dayuhan at di kinilala ng sariling kababayan, tulad na lang ni Macario Sakay. Si Sakay ang nagpatuloy ng tungkulin ng KKK na itinatag ni Andres Bonifacio.

Kasama si Lucio De Vega, binitay sila ng mga Amerikano noong Setyembre 13, 1907 matapos siyang malinlang ng lider-obrerong si Dominador Gomez at tuluyang madakip ng mga Amerikano.

Makalipas ang eksaktong isangdaang taon pagkabitay nila, inilunsad sa ikalawang palapag ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila, ang aklat na "Macario Sakay: Bayani" na isinulat ng inyong abang lingkod. Ang nasabing aklat ay bilang pag-alala sa ambag ni Macario Sakay sa rebolusyon. Inilathala ito ng grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) na pinamumunuan nina Prof. Bernard Karganilla ng UP Manila at ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan at tinatawag ng marami na Sir Ding. Malugod kaming tinanggap doon ni Dean Reynaldo Imperial, na siyang dekano ng UP CAS. Nasaksihan din ng aking ama at ng isa kong kapatid na babae ang paglulunsad ng aklat.

Sinulat ko bilang Pambungad sa aklat, na may petsang Agosto 21, 2007: “Nawa'y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya'y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.”

Isa iyong kahilingan at kampanya na hindi ko naisip na agad na masasakatuparan. Marahil ay mahaba pa ang lalakbayin o kailangan pa ng madugong rebolusyon ng bayan para ang mga manggagawa't dalitang uupo sa poder ang siyang magdedeklara na isang bayani ang mga tulad ni Sakay na hindi namanginoon sa mga dayo at mga mapagsamantalang uri sa lipunan, kundi ipinaglaban ang karapatan ng kanilang mga kababayan at kapwa tao. Isang taon ang lumipas mula nang ilunsad ang aklat, naitayo at napasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, Maynila.

Ang kabuuan ng aklat ay ini-upload ni Sir Ding sa internet, na makikita sa kawing na http://kamalaysayan.8m.net/aklat-sakay.html. Gayunman, hindi niya roon isinama ang kanyang sinulat na paunang salita. Kay Sir Ding, maraming salamat. Nais ko ring ipaalam sa lahat na si Sir Ding Reyes ang nagdisenyo ng pabalat ng aklat na may mukha ni Sakay.

Nais kong sipiin ang "Paunang Salita ng Kamalaysayan" na may lagda ni Sir Ding na nasa pahina 4 ng aklat:

"Si Macario Sakay at si Greg"

"Walang kapaguran ang matulis na pluma ng kaibigan at kapwa ko manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. Mula pa noong staffmember pa siya ng Featinean ay lagi na lang siyang may bagong panulat na nakapupukaw ng pag-iisip sa samu't saring paksain. At nagagalak kaming bumubuo ng pamunuan ng Kamalaysayan na nakahiligan din ni Greg ang pananaliksik sa mga paksang pangkasaysayan, bukod sa kapaligiran, sining, agham, at matematika (paborito niya). At natutuwa kami na minarapat niyang magsaliksik at magsulat ukol kay Macario Sakay, isa sa napakarami nating mga dakilang bayani, na pilit siniraan ng mga kolonyalistang Amerikano at ng mga kabalat nating kakampi nila. Kaya't pilit namin maihabol ang isinulat na ito ni Greg upang mailabas sa eksaktong sentenaryo ng pagkamatay ni Sakay. Itinuturing naming karapat-dapat lang naming sikapin ito sapagkat  ang sentenaryo ay sentenaryo, si Sakay ay si Sakay, at si Greg ay si  Greg."

"Ikinararangal naming irekomenda para sa pagbabasa ng lahat ng mga tunay na Anak ng Bayan ang munting aklat na ito. Tiyak kaming  malaking kaalaman ang mapupulot dito."

"- Ed Aurelio C. Reyes, Pasimuno,
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
Agosto 24, 2007"

Isinulat ng aktibistang si Ric Reyes sa kanyang kolum na Bandoleros sa unang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista (Hulyo 2010, p.2): “Hanggang ngayon, walang bantayog na itinayo para sa mga martir na ito liban sa isang monumento ni Heneral Sakay sa isang sulok ng Maynila.”

Ngunit paano nga ba nagkaroon ng monumento si Sakay sa Maynila, at kailan ito inilagay doon?

Ilang buwan matapos ilunsad ang aklat, tinawagan ako ni Sir Ding Reyes dahil nais daw akong makausap ng magtatayo ng rebulto ni Sakay. Itinatanong daw kung ano ang height ni Sakay para sa gagawing rebulto. Ibig sabihin, kung gaano talaga siya katangkad, pati sukat ng baywang, dibdib, kung gaano kahaba ang buhok, ang kanyang suot, ang siyang iuukit na rebulto. Ngunit di ako agad nakatugon dahil wala iyon sa aking saliksik. Ngunit naghanap pa rin ako ng materyales. Nagbakasakali akong may masaliksik ngunit nang magkita kaming muli ni Sir Ding ay may nakausap na daw hinggil sa height ni Sakay.

Ang pagtatayo ng rebulto ni Sakay ay ikinampanya ng Kamalaysayan kay Mayor Alfredo Lim ng Maynila, na ayon kay Sir Ding, si Mayor Lim mismo ay kasapi ng Kamalaysayan. Kasapi rin ng Kamalaysayan sina Ric Reyes at ang inyong abang lingkod. Sa Kamalaysayan ko natutunan ang Kartilya ng Katipunan at ang pagsasabuhay nito. Kaya pag nagkikita kami ni Sir Ding at ng iba pang kasapi ng Kamalaysayan, ang batian namin ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Setyembre 13, 2007, inilunsad ang aklat kong “Macario Sakay, Bayani” sa UP Manila. Dumalo roon ang mga mag-aaral ng UP, ang kanilang mga guro, si Sir Ding, ako, ang aking ama, ang aking kapatid na babae, at ilang kaibigang mahiligin sa kasaysayan. Sa aklat at sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat ay nanawagan akong dapat magkaroon ng rebulto si Macario Sakay, pati na ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan. Setyembre 13, 2008, pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang inaugurasyon ng rebulto ni Macario Sakay sa Plaza Morga, Santa Maria St., sa Tondo, Maynila.

Ilang araw bago iyon, noong Setyembre 8, 2008, sa ikalawang sesyong regular ng senado, naglabas ng Senate Resolution No. 623 sina Senador Francis Pangilinan at Senador Aquilino Pimentel Jr. na pinamagatan itong “A resolution expressing the sense of the Senate honoring the sacrifice of Macario Sakay and all other Filipinos who gave up their lives in the Philippine-American War for our Freedom”, at sa dulo ng resolusyon ay nakasulat, “After one hundred and one years, a life-size statue of Sakay will be unveiled at Plaza Morga Tondo by the Manila Historical Heritage Commission.”

Naglabas muli ang Senado ng Resolution No. 121 na pinamagatan din tulad ng SR 623 na nilagdaan ni Senador Manny Villar, ang pangulo ng Senado, at may lagda rin si Emma Lirio-Reyes, Sekretaryo ng Senado, na pinagtibay noong Setyembre 16, 2008.

Masasabi kong wala akong kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay. Ang kinalaman ko lang ay sinulat ko ang aklat bilang ambag sa sentenaryo ni Sakay, at ibinenta ito kung saan may mga pagtitipon hinggil sa kasaysayan o anumang pagtitipong pulitikal. At marahil ay nadinig ng marami ang panawagan ko sa aklat na magkaroon ng rebulto si Sakay sa Maynila. Malaki ang naitulong ng Kamalaysayan upang maisakatuparan ang adhikaing ito. Sa kanila'y taos-puso kong pasasalamat. Mabuhay ang Kamalaysayan!

Masarap ang pakiramdam na kahit wala akong direktang kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay ay natupad naman ang isang pangarap bilang tanda ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga Katipunerong nagpatuloy ng laban upang mapalaya ang ating mga kababayan mula sa kuko ng mga mananakop.

Gayunman, may isa pang kampanya ang dapat gawin. At ito ang aking mungkahi. Ang Taft Avenue sa Maynila, na nakapangalan pa sa isang dayuhan, ay ipangalan kay Macario Sakay. Kaya ito'y magiging Macario Sakay Avenue. Kasabay nito'y kilalanin din siyang bayani at ilathala sa mga aklat-pampaaralan. Ngunit ang mga kampanyang ito'y hindi ko magagawang mag-isa, dapat maraming makiisa sa layuning ito.

Linggo, Setyembre 14, 2008

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali
ni Gregorio V. Bituin Jr.

- nalathala sa librong "Macario Sakay: Bayani" ng may-akda, at inilunsad noong Setyembre 13, 2007 sa UP Manila, sa ika-100 anibersaryo ng pagbitay kay Macario Sakay ng mga tropang Amerikano

Tunay ngang bawat pasiya ng isang tao ay may malaking kaugnayan sa kanyang kinabukasan o hinaharap. Tulad na rin ng desisyong mag-asawa ng maaga, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil ito’y panghabambuhay, maliban na lamang kung magpasiyang maghiwalay ang mag-asawa.

Tulad din ng desisyong kukuning kurso sa kolehiyo, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil nakasalalay dito ang kanyang kinabukasan.

Tulad din ng desisyong maghimagsik laban sa mga mananakop. Tulad din ng pasiyang sumuko, hindi dahil naduwag, kundi dahil may isinasaalang-alang na bukas.

Gayunman, ang pasiya ba ni Sakay na sumuko ay isang kabayanihan o pagkakamali?

Noong kalagitnaan ng 1905, nakipag-negosasyon si Dr. Dominador Gomez, lider ng Union Obrera Democratica de Filipinas, kina Sakay para sa pagsuko nito, ng kanyang mga opisyal at mga tauhan. Kumbinsido si Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang bumabalam sa pagtatatag ng isang pambansang asamblea. Napapayag niya si Sakay na wakasan ang kanyang paglaban sa kondisyon na isang pangkalahatang amnestiya ang ipagkaloob sa kanyang mga tauhan, payagan silang makapagdala ng baril at pahintulutan siya at ang kanyang mga tauhan na makalabas ng bansa nang tiyak ang personal na kaligtasan.

Isang buwan pagkabitay kay Sakay, agad itinayo ang Pambansang Asamblea noong Oktubre 16, 1907 na ginanap sa Manila Grand Opera House. Ang Partido Nacionalista na kasama si Sakay sa nagtayo, at Partido Nacional Progresista, ang dalawang pinakamalaking grupo sa asemblea. At isa sa mga naging delegado nito ay si Dr. Dominador Gomez.

Maaari bang maitayo ang Pambansang Asamblea kahit hindi sumuko si Sakay kung may mga taong gagampan naman sa gawaing ito? O may basbas ng mga Amerikano ang pagtatatag ng Pambansang Asamblea?

Ang pasiyang sumuko ni Sakay upang maitatag ang Pambansang Asamblea ang maaaring sabihing katiyakan ng kanyang adhikaing kasarinlan ng bayan. Kung sinasabi ni Gomez na siya at ang kanyang pangkat lamang ang dahilan kaya naaantala ang pagtatayo ng Pambansang Asamblea, may umagos na dugo ng sakripisyo sa mga ugat ni Sakay upang isuko ang pakikipaglaban para lamang matuloy ang makasaysayang pagtitipong ito para sa ganap na kasarinlan.

Ngunit maraming nagsasabing ang kalayaan ng bayan ay hindi nahihingi kundi ipinaglalaban. Sa kasong ito, isinakripisyo ni Sakay ang sarili. Nagbakasakali siya na maganap nga ang Pambansang Asamblea, bagamat hindi niya inaasahang ang pasiya niyang iyon ang magdudulot ng maaga niyang kamatayan.

Hindi niya hiningi ang kalayaang iyon, pagkat siya mismo ay binitay ng mga Amerikano. Kung sakaling hindi sumuko si Sakay, matutuloy pa rin ba ang Pambansang Asamblea? Marahil.

Naganap na ang kasaysayan ni Sakay. Kung nagkamali man siya sa kanyang pasiya, hayaan natin sa mambabasa ang pasiya. Gayunpaman, ang naging pasiya ni Sakay ay hindi dapat ituring na karuwagan o pagkapagod na sa pakikidigma, kundi pagbabakasakali.

Pagbabakasakaling maganap nga ang pagtatayo ng isang nagsasariling bansa. At dahil naganap ang Pambansang Asamblea isang buwan matapos siyang bitayin, ito ang masasabi nating nagbunga ang kanyang sakripisyo.

Huwebes, Agosto 14, 2008

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Pambungad sa aklat na Macario Sakay, Bayani!, pahina 6-9, at inilathala ng Kamalaysayan history group noong Setyembre 2007.)

Ang kadakilaan ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama ay dapat lamang gunitain, lalo na ngayong darating na Setyembre 13, 2007, ang sentenaryo ng kanyang kamatayan.

Una kong nakilala si Sakay, hindi sa mga librong pangkasaysayan kundi sa pelikula ni Raymond Red na pinamagatang Sakay, na ipinalabas sa mga sinehan noong 1993. Ang unang pelikulang Sakay ay isinapelikula noong 1939 sa direksyon ni Lam-berto V. Avellana. Meron pa umanong pelikulang pinagbidahan ni Mario Montenegro nang bandang dekada ng 1960s na pinamagatang Alias Sakay.

Itinuturing na tulisan si Sakay at ang kanyang mga kasama kung ang babashin ay mga panulat ng mga historyador na Amerikano, kasama ang mga kakutsabang Pilipino. Ito ang isinisiksik nilang propaganda kahit sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit sa mga paaralan.

Dapat maisulat at malaman ng taumbayan ang kabayanihan ni Sakay at ang pagpapatuloy niya ng adhikain ng Katipunan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Ayon nga kay Pio del Pilar, sa kanyang liham kay Jose P. Santos noong 1930s, “Si Macario Sakay, sa aking pagkakakilala sa kanya, ay isang tunay na makabayan. Sa panahon ng rebolusyon habang kami’y nakikidigma, siya naman ay patuloy sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng Katipunan, na ang pinakalayunin ay ipagtagumpay ang kasarinlan ng Pilipinas. Isa siya sa may malaking naitulong sa pagpunta sa bayan-bayan upang itatag ang mga konseho ng Katipunan. Napakatindi ng pagkahu-maling niya sa adhikaing yaon na kahit nahuli siya ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niyang tuparin ang di-natapos na hangarin ng Katipunan na gawing malaya at makatayo sa sariling paa ng bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng bagong rebolusyon.

Si Sakay ay maaaring tulisan sa mata ng mga Amerikano, kaya nga siya binitay. Ngunit sa harap ng Diyos, Bayan at Katotohanan, siya’y tunay na makabayan na nararapat lamang mabuhay sa isipan ng lahat nating kababayan sa lahat ng panahon.” (di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Ayon naman sa awtor na si Orlino A. Ochosa, “Sina Bonifacio, Jacinto at Sakay ang bumubuo ng dakilang triad na namuno sa Katipunan at sa mga naghihimagsik na masa: “ang mga anak ng bayan”. Sila’y mga tunay na proletaryo, anak ng Tondo, kinatawan ng mga walang pag-aaring indios bravos. Dahil sa kanilang rebolusyonaryong paninindigan, nabuhay sila sa kabayanihan at kadalamhatian. Sa pagtatatag ng Katipunan, sinimulan ni Bonifacio ang Rebolusyon na inayawan siya’t pinaslang. Sa pagpapalaganap ng mga gawain ng Supremo, binalewala si jacinto at naiwang mag-isang namatay ng Republika. Ganito rin ba ang kapalaran ni Sakay sa pagmana sa liderato ng Katipunan?” (mula sa aklat na Bandoleros, di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Wala pang ganap na pagkilala sa kanya, maging ito ma’y proklamasyon ng pangulo ng bansa, pagkakaroon ng bantayog sa isang mayor na lokasyon sa lunsod, o kaya’y ipangalan sa kanya ang isang mayor na kalsada. Kahit sa Tondo, wala man lamang pangalan ng kalsada para kina Sakay at sa kanyang mga kasama.

Nawa’y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya’y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.

Sa alaala ng isang dakilang rebolusyonaryo at sa dakilang ambag niya sa himagsikan, nararapat lamang ibigay kay Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya – si Macario Sakay ay isang tunay na bayani ng lahing Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Agosto 21, 2007