Miyerkules, Setyembre 13, 2017

Salamat sa mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na Macario Sakay, Bayani

Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta sa paglulunsad ng aklat na Macario Sakay, Bayani, kaninang umaga, Setyembre 13, 2017, kasabay ng ika-110 anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Macario Sakay. Mabuhay kayo!





Lunes, Setyembre 4, 2017

Si Pangulong Macario Sakay



SI PANGULONG MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat nga bang kilalaning ikaapat na Pangulo ng ating bansa si Macario Sakay? Kung susuriin ang mga pangyayari sa kasaysayan, dapat na igawad kay Macario Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya bilang ikaapat na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Noong panahong iyon, panahon ng mga Kastila, ang tinatawag na Filipino ay ang mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas, kaya para sa mga Katipunero, may bahid ng kolonyalismo ang katawagang Filipino, kaya imbes na Pilipinas ang ginamit nila bilang bansa, ay tinawag nila iyong Haring Bayang Katagalugan (sa panahon ni Pangulong Andres Bonifacio) at Republika ng Katagalugan (sa panahon ni Pangulong Macario Sakay).

Pinatutungkulan nila ang Katagalugan, hindi bilang rehiyon ng mga Tagalog (o Timog Katagalugan), kundi ang lahat ng "tumubo sa sangkapuluang ito" o sa buong bansa. Patunay dito ang nakasulat sa dokumento ng Katipunan na "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang ito na: "Sa salitang Tagalog katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid, Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.

Maraming historyador ang kumikilala kay Gat Andres Bonifacio bilang Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Noong Agosto 24, 1896, nang pinunit nina Bonifacio ang sedula, na siyang tinatawag na "Pagsilang ng Bayan (Birth of the Nation)" hanggang siya'y paslangin noong Mayo 10, 1897, si Gat Andres Bonifacio ang pangulo ng Haring Bayang Katagalugan. Ang samahang Katipunan ay naging pambansang pamahalaan.

Si Heneral Emilio Aguinaldo ang opisyal na kinikilalang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas, at kung si Bonifacio ay kikilalanin bilang opisyal na Pangulo ng Pilipinas, si Aguinaldo ang ikalawa. 

Pumalit na pangulo kay Aguinaldo si Heneral Miguel Malvar nang mahuli sa Palanan, Isabela si Aguinaldo. Naging pangulo si Heneral Malvar mula Abril 1, 1901 hanggang siya'y sumuko sa mga Amerikano noong Abril 16, 1902.

At ang ikaapat na pangulo ay si Heneral Macario Sakay, na naging Pangulo ng Republika ng Katagalugan noong Mayo 6, 1902 hanggang Hulyo 14, 1906 (ang petsa ng pagbaba nina Sakay mula sa bundok at nakipagkita sa mga Amerikano dahil sa pag-asang magkaroon ng Pambansang Asamblea.)

Matagal na panahong hindi kinilala ang tulad ni Sakay dahil sa propaganda ng mga Amerikano na siya'y tulisan, at dahil na rin sa Bandolerismo Act of 1902 (na sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan ay ituturing na bandido ng mga Amerikano kaya dapat dakpin).

Darating ang panahong kikilalanin ding ikaapat na pangulo ng Republika ng Pilipinas si Pangulong Macario Sakay. Subalit dapat natin itong pagsikapang maisakatuparan. At ito ang isa sa ating mga tungkulin bilang tagapagtaguyod ng kasaysayan ng bayan.

4 Setyembre 2017

Mga Pinaghalawan:
Bandoleros: Outlawed Guerillas of the Philippine-American War 1903-1907, by Orlino A. Ochosa