ISANG AKLAT AT ANG REBULTO NI SAKAY: ILANG PERSONAL NA TALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bihira ring matalakay ang rebolusyong Pilipino sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at ang mga bayani noon ay itinuring pang bandido ng mga dayuhan at di kinilala ng sariling kababayan, tulad na lang ni Macario Sakay. Si Sakay ang nagpatuloy ng tungkulin ng KKK na itinatag ni Andres Bonifacio.
Kasama si Lucio De Vega, binitay sila ng mga Amerikano noong Setyembre 13, 1907 matapos siyang malinlang ng lider-obrerong si Dominador Gomez at tuluyang madakip ng mga Amerikano.
Makalipas ang eksaktong isangdaang taon pagkabitay nila, inilunsad sa ikalawang palapag ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila, ang aklat na "Macario Sakay: Bayani" na isinulat ng inyong abang lingkod. Ang nasabing aklat ay bilang pag-alala sa ambag ni Macario Sakay sa rebolusyon. Inilathala ito ng grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) na pinamumunuan nina Prof. Bernard Karganilla ng UP Manila at ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan at tinatawag ng marami na Sir Ding. Malugod kaming tinanggap doon ni Dean Reynaldo Imperial, na siyang dekano ng UP CAS. Nasaksihan din ng aking ama at ng isa kong kapatid na babae ang paglulunsad ng aklat.
Sinulat ko bilang Pambungad sa aklat, na may petsang Agosto 21, 2007: “Nawa'y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya'y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.”
Isa iyong kahilingan at kampanya na hindi ko naisip na agad na masasakatuparan. Marahil ay mahaba pa ang lalakbayin o kailangan pa ng madugong rebolusyon ng bayan para ang mga manggagawa't dalitang uupo sa poder ang siyang magdedeklara na isang bayani ang mga tulad ni Sakay na hindi namanginoon sa mga dayo at mga mapagsamantalang uri sa lipunan, kundi ipinaglaban ang karapatan ng kanilang mga kababayan at kapwa tao. Isang taon ang lumipas mula nang ilunsad ang aklat, naitayo at napasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, Maynila.
Ang kabuuan ng aklat ay ini-upload ni Sir Ding sa internet, na makikita sa kawing na http://kamalaysayan.8m.net/aklat-sakay.html. Gayunman, hindi niya roon isinama ang kanyang sinulat na paunang salita. Kay Sir Ding, maraming salamat. Nais ko ring ipaalam sa lahat na si Sir Ding Reyes ang nagdisenyo ng pabalat ng aklat na may mukha ni Sakay.
Nais kong sipiin ang "Paunang Salita ng Kamalaysayan" na may lagda ni Sir Ding na nasa pahina 4 ng aklat:
"Si Macario Sakay at si Greg"
"Walang kapaguran ang matulis na pluma ng kaibigan at kapwa ko manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. Mula pa noong staffmember pa siya ng Featinean ay lagi na lang siyang may bagong panulat na nakapupukaw ng pag-iisip sa samu't saring paksain. At nagagalak kaming bumubuo ng pamunuan ng Kamalaysayan na nakahiligan din ni Greg ang pananaliksik sa mga paksang pangkasaysayan, bukod sa kapaligiran, sining, agham, at matematika (paborito niya). At natutuwa kami na minarapat niyang magsaliksik at magsulat ukol kay Macario Sakay, isa sa napakarami nating mga dakilang bayani, na pilit siniraan ng mga kolonyalistang Amerikano at ng mga kabalat nating kakampi nila. Kaya't pilit namin maihabol ang isinulat na ito ni Greg upang mailabas sa eksaktong sentenaryo ng pagkamatay ni Sakay. Itinuturing naming karapat-dapat lang naming sikapin ito sapagkat ang sentenaryo ay sentenaryo, si Sakay ay si Sakay, at si Greg ay si Greg."
"Ikinararangal naming irekomenda para sa pagbabasa ng lahat ng mga tunay na Anak ng Bayan ang munting aklat na ito. Tiyak kaming malaking kaalaman ang mapupulot dito."
"- Ed Aurelio C. Reyes, Pasimuno,
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
Agosto 24, 2007"
Isinulat ng aktibistang si Ric Reyes sa kanyang kolum na Bandoleros sa unang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista (Hulyo 2010, p.2): “Hanggang ngayon, walang bantayog na itinayo para sa mga martir na ito liban sa isang monumento ni Heneral Sakay sa isang sulok ng Maynila.”
Ngunit paano nga ba nagkaroon ng monumento si Sakay sa Maynila, at kailan ito inilagay doon?
Ilang buwan matapos ilunsad ang aklat, tinawagan ako ni Sir Ding Reyes dahil nais daw akong makausap ng magtatayo ng rebulto ni Sakay. Itinatanong daw kung ano ang height ni Sakay para sa gagawing rebulto. Ibig sabihin, kung gaano talaga siya katangkad, pati sukat ng baywang, dibdib, kung gaano kahaba ang buhok, ang kanyang suot, ang siyang iuukit na rebulto. Ngunit di ako agad nakatugon dahil wala iyon sa aking saliksik. Ngunit naghanap pa rin ako ng materyales. Nagbakasakali akong may masaliksik ngunit nang magkita kaming muli ni Sir Ding ay may nakausap na daw hinggil sa height ni Sakay.
Ang pagtatayo ng rebulto ni Sakay ay ikinampanya ng Kamalaysayan kay Mayor Alfredo Lim ng Maynila, na ayon kay Sir Ding, si Mayor Lim mismo ay kasapi ng Kamalaysayan. Kasapi rin ng Kamalaysayan sina Ric Reyes at ang inyong abang lingkod. Sa Kamalaysayan ko natutunan ang Kartilya ng Katipunan at ang pagsasabuhay nito. Kaya pag nagkikita kami ni Sir Ding at ng iba pang kasapi ng Kamalaysayan, ang batian namin ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"
Setyembre 13, 2007, inilunsad ang aklat kong “Macario Sakay, Bayani” sa UP Manila. Dumalo roon ang mga mag-aaral ng UP, ang kanilang mga guro, si Sir Ding, ako, ang aking ama, ang aking kapatid na babae, at ilang kaibigang mahiligin sa kasaysayan. Sa aklat at sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat ay nanawagan akong dapat magkaroon ng rebulto si Macario Sakay, pati na ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan. Setyembre 13, 2008, pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang inaugurasyon ng rebulto ni Macario Sakay sa Plaza Morga, Santa Maria St., sa Tondo, Maynila.
Ilang araw bago iyon, noong Setyembre 8, 2008, sa ikalawang sesyong regular ng senado, naglabas ng Senate Resolution No. 623 sina Senador Francis Pangilinan at Senador Aquilino Pimentel Jr. na pinamagatan itong “A resolution expressing the sense of the Senate honoring the sacrifice of Macario Sakay and all other Filipinos who gave up their lives in the Philippine-American War for our Freedom”, at sa dulo ng resolusyon ay nakasulat, “After one hundred and one years, a life-size statue of Sakay will be unveiled at Plaza Morga Tondo by the Manila Historical Heritage Commission.”
Naglabas muli ang Senado ng Resolution No. 121 na pinamagatan din tulad ng SR 623 na nilagdaan ni Senador Manny Villar, ang pangulo ng Senado, at may lagda rin si Emma Lirio-Reyes, Sekretaryo ng Senado, na pinagtibay noong Setyembre 16, 2008.
Masasabi kong wala akong kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay. Ang kinalaman ko lang ay sinulat ko ang aklat bilang ambag sa sentenaryo ni Sakay, at ibinenta ito kung saan may mga pagtitipon hinggil sa kasaysayan o anumang pagtitipong pulitikal. At marahil ay nadinig ng marami ang panawagan ko sa aklat na magkaroon ng rebulto si Sakay sa Maynila. Malaki ang naitulong ng Kamalaysayan upang maisakatuparan ang adhikaing ito. Sa kanila'y taos-puso kong pasasalamat. Mabuhay ang Kamalaysayan!
Masarap ang pakiramdam na kahit wala akong direktang kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay ay natupad naman ang isang pangarap bilang tanda ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga Katipunerong nagpatuloy ng laban upang mapalaya ang ating mga kababayan mula sa kuko ng mga mananakop.
Gayunman, may isa pang kampanya ang dapat gawin. At ito ang aking mungkahi. Ang Taft Avenue sa Maynila, na nakapangalan pa sa isang dayuhan, ay ipangalan kay Macario Sakay. Kaya ito'y magiging Macario Sakay Avenue. Kasabay nito'y kilalanin din siyang bayani at ilathala sa mga aklat-pampaaralan. Ngunit ang mga kampanyang ito'y hindi ko magagawang mag-isa, dapat maraming makiisa sa layuning ito.