Linggo, Setyembre 14, 2008

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali
ni Gregorio V. Bituin Jr.

- nalathala sa librong "Macario Sakay: Bayani" ng may-akda, at inilunsad noong Setyembre 13, 2007 sa UP Manila, sa ika-100 anibersaryo ng pagbitay kay Macario Sakay ng mga tropang Amerikano

Tunay ngang bawat pasiya ng isang tao ay may malaking kaugnayan sa kanyang kinabukasan o hinaharap. Tulad na rin ng desisyong mag-asawa ng maaga, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil ito’y panghabambuhay, maliban na lamang kung magpasiyang maghiwalay ang mag-asawa.

Tulad din ng desisyong kukuning kurso sa kolehiyo, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil nakasalalay dito ang kanyang kinabukasan.

Tulad din ng desisyong maghimagsik laban sa mga mananakop. Tulad din ng pasiyang sumuko, hindi dahil naduwag, kundi dahil may isinasaalang-alang na bukas.

Gayunman, ang pasiya ba ni Sakay na sumuko ay isang kabayanihan o pagkakamali?

Noong kalagitnaan ng 1905, nakipag-negosasyon si Dr. Dominador Gomez, lider ng Union Obrera Democratica de Filipinas, kina Sakay para sa pagsuko nito, ng kanyang mga opisyal at mga tauhan. Kumbinsido si Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang bumabalam sa pagtatatag ng isang pambansang asamblea. Napapayag niya si Sakay na wakasan ang kanyang paglaban sa kondisyon na isang pangkalahatang amnestiya ang ipagkaloob sa kanyang mga tauhan, payagan silang makapagdala ng baril at pahintulutan siya at ang kanyang mga tauhan na makalabas ng bansa nang tiyak ang personal na kaligtasan.

Isang buwan pagkabitay kay Sakay, agad itinayo ang Pambansang Asamblea noong Oktubre 16, 1907 na ginanap sa Manila Grand Opera House. Ang Partido Nacionalista na kasama si Sakay sa nagtayo, at Partido Nacional Progresista, ang dalawang pinakamalaking grupo sa asemblea. At isa sa mga naging delegado nito ay si Dr. Dominador Gomez.

Maaari bang maitayo ang Pambansang Asamblea kahit hindi sumuko si Sakay kung may mga taong gagampan naman sa gawaing ito? O may basbas ng mga Amerikano ang pagtatatag ng Pambansang Asamblea?

Ang pasiyang sumuko ni Sakay upang maitatag ang Pambansang Asamblea ang maaaring sabihing katiyakan ng kanyang adhikaing kasarinlan ng bayan. Kung sinasabi ni Gomez na siya at ang kanyang pangkat lamang ang dahilan kaya naaantala ang pagtatayo ng Pambansang Asamblea, may umagos na dugo ng sakripisyo sa mga ugat ni Sakay upang isuko ang pakikipaglaban para lamang matuloy ang makasaysayang pagtitipong ito para sa ganap na kasarinlan.

Ngunit maraming nagsasabing ang kalayaan ng bayan ay hindi nahihingi kundi ipinaglalaban. Sa kasong ito, isinakripisyo ni Sakay ang sarili. Nagbakasakali siya na maganap nga ang Pambansang Asamblea, bagamat hindi niya inaasahang ang pasiya niyang iyon ang magdudulot ng maaga niyang kamatayan.

Hindi niya hiningi ang kalayaang iyon, pagkat siya mismo ay binitay ng mga Amerikano. Kung sakaling hindi sumuko si Sakay, matutuloy pa rin ba ang Pambansang Asamblea? Marahil.

Naganap na ang kasaysayan ni Sakay. Kung nagkamali man siya sa kanyang pasiya, hayaan natin sa mambabasa ang pasiya. Gayunpaman, ang naging pasiya ni Sakay ay hindi dapat ituring na karuwagan o pagkapagod na sa pakikidigma, kundi pagbabakasakali.

Pagbabakasakaling maganap nga ang pagtatayo ng isang nagsasariling bansa. At dahil naganap ang Pambansang Asamblea isang buwan matapos siyang bitayin, ito ang masasabi nating nagbunga ang kanyang sakripisyo.

Huwebes, Agosto 14, 2008

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Pambungad sa aklat na Macario Sakay, Bayani!, pahina 6-9, at inilathala ng Kamalaysayan history group noong Setyembre 2007.)

Ang kadakilaan ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama ay dapat lamang gunitain, lalo na ngayong darating na Setyembre 13, 2007, ang sentenaryo ng kanyang kamatayan.

Una kong nakilala si Sakay, hindi sa mga librong pangkasaysayan kundi sa pelikula ni Raymond Red na pinamagatang Sakay, na ipinalabas sa mga sinehan noong 1993. Ang unang pelikulang Sakay ay isinapelikula noong 1939 sa direksyon ni Lam-berto V. Avellana. Meron pa umanong pelikulang pinagbidahan ni Mario Montenegro nang bandang dekada ng 1960s na pinamagatang Alias Sakay.

Itinuturing na tulisan si Sakay at ang kanyang mga kasama kung ang babashin ay mga panulat ng mga historyador na Amerikano, kasama ang mga kakutsabang Pilipino. Ito ang isinisiksik nilang propaganda kahit sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit sa mga paaralan.

Dapat maisulat at malaman ng taumbayan ang kabayanihan ni Sakay at ang pagpapatuloy niya ng adhikain ng Katipunan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Ayon nga kay Pio del Pilar, sa kanyang liham kay Jose P. Santos noong 1930s, “Si Macario Sakay, sa aking pagkakakilala sa kanya, ay isang tunay na makabayan. Sa panahon ng rebolusyon habang kami’y nakikidigma, siya naman ay patuloy sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng Katipunan, na ang pinakalayunin ay ipagtagumpay ang kasarinlan ng Pilipinas. Isa siya sa may malaking naitulong sa pagpunta sa bayan-bayan upang itatag ang mga konseho ng Katipunan. Napakatindi ng pagkahu-maling niya sa adhikaing yaon na kahit nahuli siya ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niyang tuparin ang di-natapos na hangarin ng Katipunan na gawing malaya at makatayo sa sariling paa ng bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng bagong rebolusyon.

Si Sakay ay maaaring tulisan sa mata ng mga Amerikano, kaya nga siya binitay. Ngunit sa harap ng Diyos, Bayan at Katotohanan, siya’y tunay na makabayan na nararapat lamang mabuhay sa isipan ng lahat nating kababayan sa lahat ng panahon.” (di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Ayon naman sa awtor na si Orlino A. Ochosa, “Sina Bonifacio, Jacinto at Sakay ang bumubuo ng dakilang triad na namuno sa Katipunan at sa mga naghihimagsik na masa: “ang mga anak ng bayan”. Sila’y mga tunay na proletaryo, anak ng Tondo, kinatawan ng mga walang pag-aaring indios bravos. Dahil sa kanilang rebolusyonaryong paninindigan, nabuhay sila sa kabayanihan at kadalamhatian. Sa pagtatatag ng Katipunan, sinimulan ni Bonifacio ang Rebolusyon na inayawan siya’t pinaslang. Sa pagpapalaganap ng mga gawain ng Supremo, binalewala si jacinto at naiwang mag-isang namatay ng Republika. Ganito rin ba ang kapalaran ni Sakay sa pagmana sa liderato ng Katipunan?” (mula sa aklat na Bandoleros, di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Wala pang ganap na pagkilala sa kanya, maging ito ma’y proklamasyon ng pangulo ng bansa, pagkakaroon ng bantayog sa isang mayor na lokasyon sa lunsod, o kaya’y ipangalan sa kanya ang isang mayor na kalsada. Kahit sa Tondo, wala man lamang pangalan ng kalsada para kina Sakay at sa kanyang mga kasama.

Nawa’y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya’y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.

Sa alaala ng isang dakilang rebolusyonaryo at sa dakilang ambag niya sa himagsikan, nararapat lamang ibigay kay Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya – si Macario Sakay ay isang tunay na bayani ng lahing Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Agosto 21, 2007

Lunes, Hulyo 28, 2008

Ang Anino ni Macario Sakay

Maikling Kwento
ANG ANINO NI MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kumukutitap ang ilaw ng lampara ng gabing yaon habang nagmumuni-muni sa kanyang pag-iisa si Dr. Dominador Gomez. Naaalala niya ang kanyang malayong nakaraan.

Sa edad 20 ay nagtungo na siya sa Madrid upang mag-aral ng medisina. Noong 1895 ay nakomisyon siya sa ranggong kapitan sa pangkat medikal ng Hukbong Kastila at naglingkod sa Cuba bilang doktor. Nang bunalik siya sa Pilipinas, nakilala niya si Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang ama ng unyonismo sa bansa. Isang magaling na orador, naging pangulo si Gomez ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) nang makulong si Isabelo delos Reyes dahil sa pag-uunyon at pag-aaklas ng manggagawa.

Si Gomez ay isa ring magaling na manunulat sa wikang Kastila. Katunayan, nanalo ang sulatin niyang “Cervantes de las Filipinas” bilang pinakamagandang sanaysay sa El Mercantil. Nagsulat din siya sa Los Obreros, ang itinuturing na kauna-unahang pahayagang pangmanggagawa sa Pilipinas. Siya ang lider na nakapagmobilisa ng umano’y may 100,000 manggagawa sa harap ng MalacaƱang noong Araw ng Paggawa ng 1903, at doo’y kanilang isinigaw: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Sumapit sa kanyang gunita na ilang taon na rin ang nakalilipas nang bitayin sina Macario Sakay at Lucio de Vega, mga rebolusyonaryo ng digmaang Pilipino-Amerikano.

Sa pamamagitan ng awtorisasyon ni Gobernador Heneral Henry C. Ide, nakipagnegosasyon si Gomez kay Sakay upang sumuko na ito sa mga Amerikano.

Sa pakikipag-usap niya kay Sakay sa kampo nito sa bundok, sinabi ni Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang nakakabalam sa pagkakamit ng kasarinlan ng bayan. Na kung susuko sina Sakay at ititigil ang pakikidigma laban sa mga Amerikano ay maitatatag ang isang pambansang asamblea na magsisilbing unang hakbang para sa pagtatayo ng sariling pamahalaang Pilipino.

Maya-maya’y nagulat si Gomez sa paglapit ng isang anino sa kanyang harapan ngunit hindi niya ito gaanong maaninaw.

“Ikaw ay isang taksil sa adhikain ng rebolusyon! Ikaw ang dahilan kung bakit kami binitay!” ang sabi ng anino.

“Macario, ginawa ko iyon dahil sa paniniwalang kayo ang dahilan kung bakit nababalam ang independensyang hinahangad natin para sa ating bayan.”

“Hindi nahihingi ang kalayaan ng bayan, ito’y ipinaglalaban. Bakit mas pinaniwalaan mo ang kagustuhan ng mga dayuhan kaysa aming iyong kababayan? Ang aming tanging hangad ay kalayaan ng ating Inang Bayan. Nang malaman nating pinasimulan ni Gat Andres Bonifacio ang pakikibaka para sa kalayaan ng bayan, kami’y agad sumapi sa Katipunan at nakipaglaban hanggang sa malaman naming siya’y pataksil na pinatay ng mismong mga kababayan at kapanalig sa himagsikan. Lumaya tayo sa mga Espanyol upang magpasakop naman sa mga Amerikano. Ipinagpatuloy namin ang laban. Itinuring kaming mga bandido ng mga mananakop na Amerikano, gayong kami’y mga rebolusyonaryong kumikilos upang mapalaya ang bayan. Ngunit dahil sa iyong matatamis na salita at pangako ay napahinuhod mo kami. Pumayag kaming wakasan ang aming paglaban sa bagong mananakop sa kondisyong ipagkakaloob sa aking mga tauhan ang pangkalahatang amnestiya, payagan kaming makapagdala ng baril at pahintulutan kami at ang aking mga tauhan na makalabas ng bansa ng tiyak ang personal na kaligtasan. Iniwan namin ang aming kuta sa Tanay, ngunit…”

“Hintay ka, Macario, ako’y tumutupad lamang sa aking tungkulin, ngunit ang mga Amerikano ang hindi tumupad sa usapan. Hindi ko akalaing nang imbitahan kayo ni Kor. Bandholtz sa isang handaan sa Cavite sa tirahan ni gobernador Van Schaik, ay isang kapitang Amerikano ang sumunggab sa iyo at dinisarmahan ka, pati na rin ang iyong mga tauhan. Wala na rin kayong laban doon dahil napapaligiran na ng mga sundalo ang bahay.”

“Sino ka ba talaga, Dominador Gomez? Magiting na lider-manggagawa o taksil na Pilipino?” ang panunumbat ng anino. “Ang paanyaya’y naging isang bitag, hanggang sa kami’y mahatulan ng kamatayan. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

Hindi makapagsalita si Gomez, habang patuloy niyang pinagninilayan ang kanyang nakaraan.

Halos mamatay ang apoy sa lampara dahil sa mahinang hampas ng malamig na hangin. Siya na isang batikang organisador at lider-manggagawa ang siyang dahilan ng pagkabitay ng isang rebolusyonaryo? Isa itong batik sa kanyang katauhan.

May sinabi nga noon ang bayani, manggagawa, at Supremong si Gat Andres Bonifacio, “Matakot tayo sa kasaysayan.” At ngayon, si Dr. Dominador Gomez ay nanghihilakbot. Dahil sa kanyang kagagawan ay nabitay ang isang kababayang tulad niya’y naghahangad din ng paglaya.

“Ah, sadyang malupit ang kasaysayan. Maaari pa ba itong mabago?” Nasa gayong paglilimi si Gomez nang unti-unting naglaho ang anino sa kanyang harapan, habang ang tinig nito ay umaalingawngaw sa buong kapaligiran, na kasabay ng hampas ng hangin ay tila paulit-ulit na sinasabi, “Hindi kami mga bandido. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

(Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 31, Marso 2007, p.7)